'Electric bill deposit' na may kasamang interes, ipinababalik sa konsyumer

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 09:55 PM

Nais ng Energy Regulatory Commission (ERC) na isali sa bill ng koryente ang halaga ng bill deposit ng kada konsyumer, kabilang na ang interes sa mga nakalipas na taon.    

Lahat ng konsyumer ng koryente ay obligadong magbayad ng depositong katumbas ng average na konsumo kada buwan at tinatawag itong "bill deposit".

Sa kaso ng Meralco, dahil nagka-interes ang deposito ng konsyumer sa loob ng maraming taon, ina-update ito taon-taon para ibalik ang sobra o maniningil ng dagdag na deposito sakaling lumakas ang konsumo ng customer.

Pero gusto ng ERC na gawing "compounded" ang interes ng bill deposit.

Halimbawa, kung P1,000 ang deposito at 1% ang interes kada taon, magiging P1,010 na ito sa unang taon at P1,020 sa susunod na taon dahil sa pumapatong na tubo.

Pinapalagay din ng ERC sa bill mismo ang saktong bill deposit ng kada konsyumer.

Puwede ring bawiin ang bill deposit ng konsyumer na tuloy-tuloy na on time magbayad ng bill sa loob ng tatlong taon. 

“Within 60 days, i-submit niyo sa amin ang summary ng principal amount ng bill deposit na nakolekta niyo, ang summary ng interes,” ani Atty. Rexie Baldo-Digal, tagapagsalita ng ERC. 

Bukas naman ang Meralco sa panukala. 

“We will follow the final rules,” ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco. 

Gusto ring malaman ng ERC kung itinabi ng mga kooperatiba ang deposito ng consumers at magkano na ang interes na kinita nito. 

Maghihintay ang ERC ng pahayag galing sa mga konsyumer, iba’t ibang grupo, at kooperatiba hanggang Oktubre 31 bago maging pinal ang ilalabas na bagong patakaran. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.