Dating sundalo patay sa drug raid; 'nobya' tiklo

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 10:23 AM

DAVAO DEL NORTE - Patay ang isang dating sundalo matapos umanong manlaban sa pagsalakay ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Barangay Visayan Village, Tagum City sa lalawigang ito, Miyerkoles.

Ika-6 sa drug watch list ng Davao Del Norte ang suspek na si Roel Sahiron alyas Taroy, na nag-AWOL mula sa 60th Infantry Batallion ng militar noong 2015, ayon sa PDEA-Northern Mindanao.

Matagal na umanong minomonitor ng ahensya si Sahiron at umano'y live-in partner nitong si alyas "Madam."

Napatay si Sahiron nang manlaban umano nang tangkang aarestuhin na siya ng mga operatiba.

Nadakip naman si Madam at nakuhanan ng 6 na pakete ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P36,000.

Bumagsak sa kulungan ang umano'y kinakasama ni Sahiron.

Narekober din ang sari-saring drug paraphernalia, .22 at .38 caliber na revolver at mga bala.

Ito na ang ika-2 operasyon ng PDEA-Davao del Norte ngayong Oktubre matapos atasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang agensya na pamunaan ang war on drugs.

Ulat ni Berchan Angchay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.