Babae patay matapos barilin sa Batangas City

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 09:27 PM

BATANGAS CITY - Patay ang isang babaeng empleyado ng gobyerno matapos siyang barilin sa Barangay Kumintang Ibaba, sa lungsod na ito Huwebes ng umaga.

Kinilala ang biktima bilang si Mheruz Marasigan na idineklarang dead on arrival sa ospital matapos magtamo ng isang tama ng bala sa batok.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, bibili lamang sana ng almusal ang biktima nang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin.

"Ayon sa kwento bumibili ng almusal sa may harap ng community park kung saan siya ay binaril sa likod ng ulo,” ani Sr. Insp. Glenda Cleofe.

"Du'n sa report ay napag-alaman na ang unidentified na suspect ay sumakay din sa unknown na white van na vehicle na tumakbo sa unknown direction.”

Isang basyo umano ng hindi pa nalalamang kalibre ng baril ang natagpuan sa crime scene.

"Ang motibo na sinusundan natin ay ang motibo una sa trabaho, relasyon at maaaring may dating kaalitan," ani Cleofe.

Pero ayon sa mga katrabaho ng biktima, mabait at matulungin daw ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.