6 pulis-Olongapo, dawit sa panggagahasa, 'sex show' ng preso

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 09:08 PM

Tinanggal sa puwesto ang anim na pulis-Olongapo na inireklamo ng umano’y panggagahasa sa isang babaeng preso.

Ayon kay Olongapo City Police Office Director Melchor Cabalza III, nag-text sa kaniya ang isang concerned citizen tungkol sa isang babaeng drug suspect na umano'y ginahasa habang nakakulong sa Station 5. 

Kasunod nito, nag-imbestiga si Cabalza kasama ang isang lady investigator. 

Sa sinumpaang salaysay ng biktimang itinago sa pangalang "Megan", inutusan siya ng desk officer na si PO1 Gaylord Calara na magtapon ng basura noong madaling araw ng Hunyo 29, bago sila ilipat sa city jail. 

Pabalik na siya ng selda nang tawagin siya ni PO1 Raymond Diaz kasama sina PO1 Ed Mesias, PO2 Nelson Abalos, at PO3 Stevie Rivera.

Pinapasok umano siya ng mga pulis sa isang kuwarto sa presinto at inutusang sumayaw nang nakahubad dahil alam daw nilang dancer siya sa club.

Sumayaw naman umano siya dahil sa takot pero hindi siya naghubad. 

Naiwan sa kuwarto si Diaz at doon na umano siya pinagsamantalahan.

Dagdag pa niya, nagulat siya nang may pumasok na limang pulis kasama ang presong si alyas "James" na kasama ni Megan na nahuli sa drug raid.

“Inutusan daw silang dalawa. Ang sabi daw ng mga pulis ‘bago man lang kayo maibiyahe bukas, mag-sex na kayong dalawa, mag-show kayo', ‘yon daw nag-show ‘yong dalawa, pinilit sila,” ani Cabalza.

Kuwento nina Megan at James, nagtatawanan ang mga pulis habang pinapanood silang nagtatalik at sumunod sila dahil sa takot. 

Sinampahan naman ng kasong rape sa piskalya at kasong administratibo sa Regional Internal Affairs Service sina Diaz, PO3 Diosdado Alterado, Rivera, Abalos, Calara, at Mesias.

Inalis na rin sila sa puwesto kasama ang station commander nilang si Chief Inspector Nasser Abdurasul.

Sinubukan ng News team na kuhanan ng pahayag ang mga pulis pero tumanggi sila batay na rin sa abiso ng kanilang mga abogado.

Ayon naman kay Cabalza, itinanggi sa kaniya ng mga pulis ang alegasyon.

“Wala raw silang ginawa. Revenge lang daw ‘yon dahil nahuli ‘yong lalaki,” ani Cabalza.

Dismayado si Cabalza sa ginawang dagok ng kaniyang mga tauhan sa imahe ng Philippine National Police.

"... Gagawa [kami] ng maganda, tapos may biglang ganito, isang iglap lang, ilang minuto lang ginawa, sira na lahat 'yong ilang buwan, ilang araw naming pinaghirapan," ani Cabalza.

Sunod na sasampolan ni Cabalza ang dalawang pulis-Olongapo na sangkot umano sa pangongotong at pagnanakaw sa isa ring bilanggo.

-- Ulat nina Dominic Almelor at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.