2 lalaki patay sa pamamaril sa Isabela

Annie Pasion, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 09:16 PM

CAUAYAN CITY - Nag-iinuman ang dalawang lalaki sa isang tindahan nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay District 1 sa lungsod na ito sa Isabela ngayong Miyerkoles.

Kinilala ang mga biktima bilang sina Engrancio Evangelista Jr., isang retiradong pulis, at Benjamin Dumawal, empleyado ng lokal na pamahalaan.

Kuwento ng may-ari ng tindahan, iniwan niya saglit ang dalawa para magluto. Narinig na lang niya na may sunod-sunod na putok ng baril habang nasa loob ng kusina at paglabas ay nakitang nakabulagta na ang magkaibigan.

Agarang namatay ang mga biktima dahil sa mga tama ng bala ng baril sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Nakuha mula sa crime scene ang 9 na tingga at 16 na basyo ng caliber-.45 pistol.

“On the process po tayo na kinukuha nga po kung may mga CCTV na sa palibot ng pinangyarihan ng krimen at kumukuha pa tayo ng enough evidence para mag-lead sa pagkatukoy ng suspek,” ani Chief Insp. Jane Abigail Bautista, chief administrator ng Cauayan City Police.

Patuloy ang imbestigasiyon ng pulisya para matukoy ang motibo sa pagpatay.

Sising-sisi ang pamilya ni Dumawal na sumama siya kay Evangelista. Naniniwala silang nadamay lang si Dumawal sa pamamaril.

“Pinapaiwas ko du'n kasi may naririnig ako na may death threats du'n sa kasama niya,” kuwento ng asawa niya.

“Kasi yun, gusto niya sanang pumasok siya na Public Order and Safety Unit (POSU). Sabi ko, huwag mong samahan at baka madamay ka. Hindi naman nakinig kasi alam mo, mabarkada talaga asawa ko.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.