13 estudyante nakaranas ng sintomas ng food poisoning dahil sa kwek-kwek

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 04:17 PM

DAVAO CITY - Isinugod sa Holy Spirit Community Hospital ang 13 estudyante ng Holy Cross of Mintal dahil sa sabay-sabay na pananakit ng tiyan Miyerkoles matapos kumain ng kwek-kwek sa school canteen. 

Ang grade 10 student na si Denzel Bero, nagsuka at nagtae. Ayon sa kaniyang ina, sensitibo ang tiyan ni Bero lalo na't mayroon itong gastroenteritis.

"Kumain ako ng kwek-kwek... At first nalasahan ko na parang iba, tapos nag-try ako ulit, iba man talaga lasa kaya tinapon ko na. Pagkahapon pumunta na ako sa CR kasi grabe na suka ko mga five times na tapos kalibanga, sakit ulo ko," ani Bero.

Sumakit din ang tiyan ng grade 7 na si Khaicee Aliermo. Isang buong kwek-kwek ang kinain niya noong kanilang recess.

"Nahilo ako pagkahapon, sakit ulo ko and suka," ani Aliermo.

Ganoon din ang naramdaman ng 11 iba pang mga estudyante na kumain ng kwek-kwek sa kanilang canteen nitong Miyerkoles.

Ayon sa doktor ng ospital na hindi na nagpa-interview sa harap ng camera, na-food poison ang mga estudyante.

Ikinabahala naman ito ng mga magulang ng mga bata. Ayon sa kanila, dapat malinis at maayos ang paghahanda ng mga pagkain na ibinebenta sa canteen.

"Sana ayusin talaga nila kasi mga bata ang kumakain eh," ani Lorna Aliermo.

"Sana hindi na ito maulit. Naintindihan natin na gusto nilang kumita, pero sana ayusin para hindi magkaganito [ang] mga bata," sabi ng ina ni Bero na si Ma. Ruby Bero.

Pinuntahan ng news team ang Holy Cross of Mintal para makuha ang kanilang panig sa insidente, pero wala pang opisyal na pahayag ang paaralan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.