PatrolPH

2 sugatan, 12 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Antipolo

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2021 12:17 PM

Sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Barangay Inarawan sa Antipolo City nitong Oktubre 17, 2021. Retrato mula sa Marikina Filipino - Chinese Fire Brigade Volunteers
Sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Barangay Inarawan sa Antipolo City nitong Oktubre 17, 2021. Retrato mula sa Marikina Filipino - Chinese Fire Brigade Volunteers

Nasa 2 tao ang nasugatan habang 12 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na tumama sa Barangay Inarawan sa Antipolo City, gabi ng Linggo.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), pasado alas-8 ng gabi nagsimula ang sunog na naapula rin makalipas ang isang oras.

Kabilang sa mga nasugatan ang isang residenteng nakatapak ng pako.

Ayon sa mga residente, isang naiwang kandila o lutuan sa ikalawang palapag ng isang bahay ang posibleng sanhi ng apoy.

Halos P500,000 ang tinatayang halaga ng natupok.

Inilakas ang mga apektadong pamilya sa kalapit na day care center at binigyan ng relief packs.

Halos kasabay ng sunog sa Antipolo ang isa ring sunog sa Barangay Paraiso, Quezon City.

Nasa 14 pamilya ang nawalan ng tirahan nang matupok ang 7 bahay.

Higit isang oras ang itinagal bago naapula ang sunog, ayon sa mga awtoridad.

Problemado ang mga pamilyang nasunugan dahil wala silang naisalbang gamit.

Kasama sa mga natupok ang mga gamit pang-distance learning ng mga anak ni Marciar Agergas.

"'Yong may makakapag-provide ng gadget para sa nag-aaral, importante talaga sa kanila 'yon... kaya humihingi kami ng tulong," ani Agergas.

Pinili ng mga residente na mamalagi muna sa modular tent malapit sa mga nasunog na bahay para mabantayan at madaling mabalikan ang mga ito.

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.