Nagmistulang kalsada ng makapal na putik ang malawak na taniman ng gulay sa Barangay Villa Hermosa sa Sta. Cruz, Ilocos Sur kasunod ng pananalasa ng Bagyong Maring.
Isa sa mga nawalan ng taniman dahil sa bagyo ang residenteng si Emilia Pascua, 67. Bukod doon ay namatayan din siya ng mga alagang hayop at nasiraan din ng mga gamit sa bahay.
"'Yong alaga naming kambing... patay lahat. Bente piraso na kambing namin," kuwento ni Pascua, na nagsabi ring lampas-tao ang taas ng tubig sa kanilang lugar noong may bagyo.
Ganoon din ang sinapit ng mga residente ng Barangay Sawat, kasama si Jocelyn Borje.
Tinangay ng baha ang mga gamit na inaalok ni Borje sa online selling.
"Hindi ko na alam kung paano ako babangon," ani Borje.
Ayon kay Santa Cruz Vice Mayor Virgilio Valle, hindi nila maunawaan kung saan nanggaling ang tubig.
"May mga pagkakataon na isang linggo deretso ang ulan pero wala naman ganitong pinsala," ani Valle.
Nakipagtulungan ang ABS-CBN Sagip Kapamilya sa lokal na pamahalaan at sa Don Mariano Marcos Memorial State University para mamahagi ng relief goods at hygiene kits sa mga residente ng Barangay Villa Hermosa, Sawat, Quinsoria at Poblacion West.
"Maraming salamat po sa ABS-CBN sa pagpunta niyo dati... kasi kailangan na kailangan namin," sabi ni Valle.
— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.