PatrolPH

Trend ng COVID-19 cases sa lahat ng island group, pababa na: DOH

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2021 07:46 PM

Watch more on iWantTFC

Nakitang maaaring pababa na ang trend ng mga kaso ng COVID-19 sa lahat ng island group sa bansa, base sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH). 

Nasa moderate o low risk na rin ang COVID-19 classification ng lahat ng rehiyon sa bansa maliban sa Zamboanga Peninsula.

Pero dapat pa rin umanong mag-ingat, partikular ang Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley Region dahil nasa high risk pa rin ang kanilang health care system capacity.

Noong nakaraang 5 araw, bumaba na rin sa 7,732 ang bilang ng average daily COVID-19 cases mula sa higit 10,000 noong Oktubre 6 hanggang 12.

Kasabay ng pagbuti ng mga numero, naniniwala ang OCTA Research Group na puwede pang umabot sa mas mababa sa 7,000 ang kaso ng mga COVID-19 sa mga susunod na araw.

"Hopefully tuloy-tuloy na 'yan. Hindi na tayo aabot sa 10,000," ani OCTA fellow Guido David.

Pero patuloy pa rin ang banta ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19.

Mula sa 748 samples na pinroseso ng Philippine Genome Center noong Oktubre 16, 633 ang nakitang positibo sa Delta variant.

Nasa 6 naman ang na-detect na Beta variant habang 3 ang Alpha variant.

Iginiit naman ni Health spokesperson Maria Rosario Vergeire na lahat ng datos na inilalabas ay may basehan.

Ito'y matapos kuwestiyunin ng isang grupo ng mga doktor na tila hindi tugma ang pagbaba ng mga kaso at mataas na utilization rate sa mga pagamutan.

"Hindi naman sa kung saan lang kinuha ang datos natin. Mayroon kaming official database na nakikita ang lahat ng ospital sa buong bansa," ani Vergeire.

"Hindi naman sinasabi na na-decongest na natin talaga ang lahat ng mga ospital," dagdag niya.

Ngayong Lunes, nakapagtala ang DOH ng 6,943 dagdag na kaso ng COVID-19 para sa kabuuang 2,727,286 kaso, kung saan 68,832 ang active cases.

— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.