PatrolPH

Malaysian, Pinoy patay sa buy-bust sa Tawi-Tawi; P10M halaga ng shabu nasabat

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2021 06:39 AM

Watch more on iWantTFC

Nauwi sa engkuwentro ang operasyon ng pulis at militar sa Bongao, Tawi-Tawi laban sa 2 umano’y tulak ng droga na Pinoy at Malaysian noong Sabado.

Sa tabing-dagat ng Bgy. Pahut isinagawa ang buy-bust laban sa mga target na kinilalang sina Nadzmil Ladja at Hari Man Bin Sabtula.

Taga-Sitangkai, Tawi-Tawi si Ladja habang taga-Sabah, Malaysia si Sabtula.

Sa ulat ng pulis, nagkaputukan ang mga suspek at pulis nang aarestuhan na sila. Patay ang dalawang suspek.

Narekober pagkatapos ang nasa 1.5 kilo ng shabu na may tinatayang halaga na P10.2 milyon at 5 gramo ng marijuana na P600 ang halaga.

Itinuturing ng PNP na big-time distributor ng droga ang 2 na nakabase sa Sabah. 

Ayon sa PNP Drug Enforcement Group, bulto-bulto ang paggawa ng droga ng grupo ng mga suspek. Ibinebenta ang mga ito sa magkakatabing-probinsya ng Zamboanga, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi. 

Ang Malaysian na si Sabtula ang naghahatid umano ng supply papasok ng Pilipinas.

Bukod sa droga, binawi rin ang 2 caliber .45 na baril at ang bangkang ginamit ng mga suspek. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.