Mga hakbang kontra hazing, ikinasa na ng PMA

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2019 07:01 PM

Nag-umpisa na ang iba't ibang programa sa loob ng Philippine Military Academy para mapagtuunan ng pansin ang mental health condition ng mga kadete.

Bahagi ito ng ikinakasang pagbabago para maiwasan na ang hazing sa loob ng akademya.

Nagdeklara ng “war on hazing” ang bagong commandant of cadets ng PMA na si Brig. Gen. Romeo Brawner matapos ang pagkamatay ni Cadet Fourth Class Darwin Dormitorio dahil sa hazing.

Inumpisahan na raw nila ang programa para maiwasan na ang hazing sa loob ng PMA. Ilan sa mga ginawa nilang pagbabago ay ang integration of cadets.

“In one room there is a 1st, 2nd, 3rd and 4th cadets. Unlike before, the 4th class lang, 3rd class lang. This is the third week na we are implementing this,” sabi ni Brawner.

Tutok din sila sa mental health ng mga kadete. Dumating na sa Baguio noong Sabado ang mga eksperto para isailalim sa psychosocial intervention ang mga kadete.

“May team sila na binuo and conducted psychosocial assessments…sa plebo stress and trauma management, sa mga upperclass naman is anger management,” sabi ni Brawner.

Plano na magdagdag ng mga tactical officer o magbabantay sa mga kadete. Kasalukuyan, isa hanggang dalawang tactical officer lang bawat company ang nakatalaga sa mga kadete.

Magdagdag din ng CCTV camera sa loob ng akademya.

Bukod pa dito, iuupgrade ang mga gamit sa PMA Station Hospital.

“Sa hospital po may commitment ang high headquarters to provide on equipment and expertise. Kasi infirmary pa lang ang level ng hospital natin diyan,” sabi niya.
 
Matatandaan na naospital si Dormitorio bago ito namatay. Urinary tract infection ang unang diagnosis sa kaniya. Hindi agad nakita na meron na palang internal bleeding ang kadete.

Kasalukuyan pang inaantay ang counter affidavit mula sa tatlong doktor na inakusahan ng negligence. Tinanggal sila sa ospital.

Wala pa ring isinusumiteng counter affidavit ang 7 kadete at dalawang tactical officer na sinampahan ng reklamong murder, torture at anti-hazing.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.