'Trip-trip lang' na pagkandidato layong parusahan sa panukalang batas

Robert Mano, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2018 03:19 PM

MAYNILA- Muling hinimok ni Sen. Sherwin Gatchalian ang mga kapwa mambabatas na ipasa na ang panukalang batas na magpaparusa sa mga "nuisance candidates."

Ginawa ni Gatchalian ang panawagan matapos ang paghahain ng kandidatura para sa halalan sa susunod na taon.

Ayon sa senador, panahon na para ipasa ang Senate Bill No. 911 na naglalayong amiyendahan ang Omnibus Election Code.

“Nakita naman natin ‘yong mga kumandidato na alam mo namang hindi talaga seryoso o trip-trip lang ‘yong pag-file," ani Gatchalian.

"For example, si Jesus Christ na taga-Cebu at saka ‘yong mga ex daw nina Kris Aquino at Mocha Uson. May King of Maharlika pa nga raw. Sana naman ay hindi nila babuyin ‘yong proseso,” dagdag niya.

Binigyang diin sa panukalang batas ang nasasayang na oras ng Commission on Elections sa pagproseso ng mga kandidatura na hindi naman talaga seryoso.

Nagtapos noong Miyerkoles ang paghahain ng kandidatura na mayroong 152 kataong naghahangad na maging senador at 185 kataong gustong maging kinatawan ng ilang party-list group sa darating na halalan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.