Tindero, sinaksak ng kostumer na namahalan sa tindang mani

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2018 11:03 PM

Sugatan ang isang tindero sa bayan ng Valladolid, Negros Occidental matapos saksakin ng kostumer na nagreklamo dahil sa umano ay mahal na tindang mani.

Sa imbestigasyon ng Valladolid police, naglalako ng mani at balot noong gabi ng Miyerkoles si Eranio Dioso sa Barangay Tabao Proper nang lapitan siya ng suspek at tanungin kung magkano ang mani.

Nagreklamo na lang daw bigla ang suspek sa aniya'y napakamahal na presyo ng mani. Nagkasagutan ang dalawa bago umano saksakin ng suspek si Dioso sa kaniyang braso.

Tumakbo ang biktima patungo sa isang talyer pero sinundan daw siya ng suspek at muling sinaksak sa dibdib.

Sumaklolo ang may-ari ng talyer sa biktima at naaresto ng pulisya ang suspek.

Kasalukuyan pa ring ginagamot sa ospital si Dioso.

Nakatakdang mag-usap ang biktima at suspek para maareglo ang kaso, ayon sa pulisya.

--Ulat ni Marty Go, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.