Taas-singil sa pasahe ng bus, aprubado na ng LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2018 12:17 PM | Updated as of Oct 18 2018 08:34 PM

Watch more in iWantTFC

Inaprubahan nitong Huwebes ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pansamantala o provisional na P1 dagdag-singil sa pasahe ng bus na magsisimula sa unang linggo ng Nobyembre.

Bunsod umano ito ng mataas na presyo ng langis. 

Mula sa P10, magiging P11 na ang minimum fare ng mga ordinary bus sa Metro Manila, habang P13 naman mula sa P12 ang minimum fare ng mga air-conditioned bus na bumabaybay ng Metro Manila. 

Tataas naman sa P13 mula sa P12 ang magiging singil sa provincial buses, ayon kay LTFRB chairman Martin Delgra. 

Madadagdagan din ng P0.15 kada kilometro matapos ang unang 5 kilometro ang singil sa mga bus, aniya. 

Maaalalang inaprubahan nitong Miyerkoles ng LTFRB ang P2 dagdag-singil sa pasahe ng jeep na magsisimula rin sa Nobyembre. 

Pero ang transport groups, umaaray pa rin dahil kulang pa umano ang dagdag.

Hindi rin sang-ayon ang mga bus operator sa P0.15 dagadag-singil kada kilometro dahil kulang pa umano ito para sa kanilang araw-araw na gastusin. 

Bagama't sinabi na ng LTFRB na aarangkada na ang fare hike, maaaring maghain ng motion for reconsideration sa loob ng 15 araw ang mga indibidwal o grupo na may reklamo dito. 

Kung matanggap ito ng ahensiya, maaaring maurong ang petsa ng implementasyon ng taas-singil sa pasahe. 

-- May ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.