Mga pulis tinambangan sa CamSur; 3 patay, 3 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2018 05:16 PM | Updated as of Oct 18 2018 08:48 PM

Dalawang patrol vehicles ng pulis na bahagi ng escort security ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Nela Puno ang tinambangan sa Lupi, Camarines Sur nitong Huwebes, kung saan tatlong pulis ang namatay, at tatlo naman ang nasugatan. 

Sa crime scene ay makikitang basag ang mga salamin at sabog ang dalawang gulong ng patrol car ng Camarines Sur police. 

Kinilala ang mga napaslang na sina SPO1 Percival Rafael, PO3 Carlito Navarroza, at PO1 Ralph Jason Vida. 

Ang mga sugatan naman ay sina PO1 Jonathan Perillo, Ruby Buena, at Rodolfo Gonzaga na agad isinugod sa Bicol Medical Center.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa Barangay Napolidan ang mga sasakyan at papunta sa Daet nang paulanan ng bala bandang alas-9:10 ng umaga. 

Matapos ang krimen ay tinangay ng gunmen ang M-14 service firearm ng isa sa mga napatay na pulis.

Ayon sa hepe ng Lupi, Camarines Sur police, mga rebelde ang tingin nilang utak ng krimen. 

"Kalaban natin sa kabila ang mga ito. [Nagkalat] na naman sila ng kanilang karahasan. In-ambush 'yung tropa natin... Hindi po pinalad 'yung tropa ko, pero nakipagbakbakan sila," ani Senior Inspector Rommel San Andres.

Ilang metro mula sa ambush site, narekober ang hindi sumabog na improvised explosive device (IED) at mga gamit ng mga hinihinalang rebelde. 

Tumanggi namang magpa-interview ang pamilya ng isa sa mga napatay na pulis. 
    
Inutusan naman ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang pulisya na maging mapagbantay dahil sa mga pag-atake ng mga rebelde. 

Ligtas namang nakapunta ng Daet si Puno. 
    
Tumutulong na rin ang militar sa pagtugis sa mga rebelde.

— Ulat ni Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.