Mga dawit sa pork barrel scam, pinuna sa tangkang pagbalik sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2018 05:57 PM

Pinupuntirya ngayon ng mga kritiko ang pagtakbong muli ng mga dating senador na akusado sa pork barrel scam.

May mga nakabinbing kaso pa kasi sa Sandiganbayan sina dating Senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla pero pare-parehong naghain ang mga ito ng certificate of candidacy (COC) upang makabalik sa Senado. 

Ayon kay Senador Risa Hontiveros, importanteng walang sinomang uupo sa Senado na dawit sa isyu ng korupsiyon o iba pang anomalya. 

"Kung tulad naming opposition ay seryoso sa anti-corruption drive ay mas maganda kung buong Senado ang lalaban sa korapsyon at wala sanang maidagdag na sangkot sa anomaly," pahayag ng senador sa isang press conference. 

Hirit naman ni Senador Kiko Pangilinan, kawalan ng respeto sa demokrasya ang pagtatangkang pagbabalik ng tatlo sa Senado.

"That shows the level of disrespect and cynicism in our democracy and electoral system. I hope our voters will see through that," ani Pangilinan. 

(Pinapakita lang nito ang pambabastos at mababang pagtingin sa ating demokrasya at botante. Sana ay maliwanagan ang mga botante.)

Nahaharap pa rin sa patong-patong na kasong graft at plunder ang tatlong dating senador.

Ang mga kasong graft at plunder, bukod sa pagkakakulong, ay may accessory penalty na habambuhay na diskuwalipikasyon sa pagiging opisyal ng gobyerno. 

Nakakulong pa rin si Revilla sa custodial center ng Camp Crame kaya ang asawang si Bacoor Mayor Lani Mercado ang nagsumite ng kanyang COC. 

Nakapagpiyansa naman si Estrada at ang 94 taong gulang na si Enrile na malayang-malayang makakapangampanya.

Sinabi na mismo ng Sandiganbayan na hindi porke't may kaso ang tatlo ay disqualified na sila sa halalan sa 2019. At kahit pa guilty na, kailangan matapos muna ang proseso ng pag-apela ng akusado para maging final at executory ang hatol.

"The pendency of a criminal case is not a disqualifying circumstance... Conviction per se is not a disqualification. The judgment of conviction must be final and executory," ani Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang. 

[Ang mga nakabinbing kaso ay hindi rason upang ma-disqualify ang kumakandidato. Kahit ang conviction ay hindi rin basehan. Kailangan muna itong maging pinal.]

Hirit naman ng mga akusado, hayaan na lang na publiko ang magpasya sa balota. 

"Let the people decide. I’m not saying that they’re going to vote for me, I’m just presenting my certificate of candidacy now," ani Enrile.

Sa isang pahayag, iginiit ni Estrada na biktima sila ng "selective justice" at inosente sila.

“We are victims of selective justice, in fact we are innocent until proven otherwise.”

Sa tatlong dating senador, nakatakdang unang hatulan si Revilla dahil tapos na ang trial ng kaniyang kaso.

Samantala, may ilang kinukuwestiyon din ang pagtakbo ni dating Metropolitan Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino dahil may electoral protest pa siya laban kay Senador Leila de Lima.

"I have filed my motion to suspend the proceedings and archive my electoral protest against Leila de Lima. I still maintain that I won in that election in 2016," ani Tolentino. 

Sinagot naman ito ni De Lima at sinabing walang basehan ang "suspensiyon" ng protesta ni Tolentino.

“There's no such thing as suspension or archiving of an election protest. With the filing of his COC, [he] must now altogether withdraw his clearly frivolous and baseless protest," ayon sa senador, na kasalukuyan ding nakapiit sa Camp Crame dahil sa kasong may kinalaman sa droga. —Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.