Higit 700,000 Facebook users sa PH, naapektuhan ng data breach

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2018 04:44 PM

Higit 700,000 users o gumagamit ng Facebook ang naapektuhan ng isang data breach noong nakaraang buwan, kung saan "ninakaw" ng mga hacker ang "access tokens" o susi sa kanilang mga account, iniulat ng Facebook sa National Privacy Commission (NPC).

Ipinaalam ng Facebook noong Oktubre 13 sa NPC ang mga detalye ukol sa data breach, na isinapubliko nitong Huwebes ng NPC bilang bahagi ng isang kautusan.

Sabi ng Facebook sa NPC, mula sa 30 milyon taong ninakawan ng access tokens, 755,973 rito ay "Philippine-based Facebook user accounts."

Dahil dito, inutusan ng NPC ang Facebook na maglaan ng "identity insurance" para sa mga apektadong user, at sabihan ang mga apektadong user na sila ay naapektuhan alinsunod sa mga nakatakdang patakaran sa NPC Circular No. 16-03.

Inutusan din ng NPC ang Facebook na magtatag ng "help desk" o "help center" na gagabay sa mga Pinoy na naapektuhan ng data breach. 

Pinagsusumite rin ng NPC ang Facebook ng mas komprehensibong ulat ukol sa data breach. 

Ayon pa sa NPC, hinati ng Facebook sa tatlong grupo ang mga apektadong user, batay sa lawak ng mga impormasyong nakuha sa kanila.

Nasa 387,322 Philippine-based users ang maaaring nakuhanan ng basic information profile, gaya ng registered full name, email address, at phone number.

Nasa 361,227 users naman ang posibleng nakuhanan ng basic information, birthday o kaarawan, history, location history, mga device na "linked" o konektado sa kanilang Facebook account, at iba pa.

Para naman sa 7,424 users, maaaring nakuha ang mga post sa kanilang timeline, listahan ng Facebook friends, Facebook groups, at Messenger conversations.

Hindi rin sumang-ayon ang NPC sa sinabi ng Facebook noong Oktubre 13 na walang karagdagang panganib na maaaring idulot ang nangyaring data breach.

"Facebook contends in its letter dated 13 October 2018 that there is no material risk of more extensive harm occurring," sabi sa utos ng NPC.

"The Commission does not agree; the risk of serious harm to Filipino data subjects is more than palpable," dagdag ng NPC.

Naiulat noong nakaraang buwan na milyon-milyong Facebook account ang naapektuhan ng umano'y security flaw na pinagsamantalahan ng mga hacker.

Bilang pag-iingat, pansamantala munang ni-log out ng Facebook ang maraming users sa kanilang account. 

Tinanggal din ng Facebook ang kanilang “view as” feature kung saan nakitaan ng kahinaan ang seguridad ng social network.

-- May ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.