ALAMIN: Bakit 2 lang ang nagtagal na telco sa Pilipinas

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2018 12:46 PM | Updated as of Oct 18 2018 01:18 PM

Watch more in iWantTFC

Nagtataka ka ba kung bakit dalawa lang ang pinakatanyag na telecommunications company sa bansa? 

Paliwanag ni Department of Information and Communications Technology (DICT) acting secretary Eliseo Rio, nagsimula ito dahil sila lang ang telecommunication companies na pumutok noong umusbong ang bansa bilang "texting capital."

Noong dekada '90 umano, marami pang mga telco sa bansa dahil uso pa noon ang mga de-kableng telepono o landline. 

Ngunit nang maging patok ang paggamit ng cellphone sa mga sumunod na taon, mas naging uso na ang pagte-text at pagtawag gamit ang makabagong mobile device. 

"Globe and Smart lang noon ang nakakapagbigay ng ganiyang setrbisyo so lahat ng mga kompanya na hindi makapagbigay eh wala na halos gumagamit sa kanila," aniya sa "Usapang de Campanilla nitong Miyerkoles 

Dagdag ni Rio, na nagsilbing commissioner ng National Telecommunications Commission nang maging texting capital ang Pilpinas noong 2004, kinakailangan ng maraming cellular sites para mapanatili ang isang telco.

"Iyung ruler ng radyo ay mas mahaba, sa paggamit ng mobile application kinakailangan ng maraming cell site, wala dapat dead spot," aniya. 

Para rin daw makakuha ng prangkisa ang isang telco, kinakailangan muna itong dumaan sa pag-apruba ng Kongreso. 

Kapag maaprubahan, pupunta ang kompanya sa DICT para makuha ang mga dokumentong kailangan para tuluyan nang itayo ang telecommunication site. 

Ayon kay Rio, maaaring ianunsyo na ang ikatlong telco player sa Nobyembre. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.