1 patay, 23 sugatan sa salpukan ng bus, truck sa Bataan

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2018 02:00 AM

Isa ang patay habang 23 ang sugatan matapos magsalpukan ang isang bus at truck sa bayan ng Abucay, Bataan, Miyerkoles ng gabi. 

Galing sa lungsod ng Balanga ang truck nang mawalan ito ng preno sa Roman Highway sa Abucay, ayon sa imbestigasyon ng pulisya.

Dahil umulan at madulas ang daan, tinamaan nito ang kasalubong na bus na galing Maynila at papuntang bayan ng Mariveles.

Sa lakas ng impact, naipit sa manibela ang driver ng truck na idineklarang dead on arrival sa ospital.

Patuloy na ginagamot ang 2 pahinante ng truck na tinamaan ng windshield at naipit sa dashboard.

Nalapatan ng paunang lunas ang 21 sugatang pasahero ng bus.

Hawak na ng pulisya ang driver ng bus na si Johnny Matias matapos mapag-alaman na mabilis ang pagpapatakbo nito nang maganap ang aksidente. --May ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.