1 patay, 2 sugatan sa sagupaan sa Negros Oriental

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2018 05:38 PM

Patay ang isang rebelde habang nakarekober naman ang awtoridad ng mga baril at personal na kagamitang naiwan matapos ang bakbakan sa bayan ng Ayungon sa Negros Oriental. Larawan mula sa Philippine Army

AYUNGON, Negros Oriental – Isang kasapi ng New People’s Army (NPA) ang nasawi habang dalawang sundalo naman ang sugatan sa naganap na engkuwentro sa nasabing bayan, Huwebes ng madaling araw. 

Nangyari ang sagupaan sa pagitan ng Scout Platoon ng 62nd Infantry Battalion ng Philippine Army at tinatayang 15 mga rebelde sa Sitio Nabali-an, Barangay Carol-an sa boundary ng Negros Occidental at Negros Oriental.

Nakilala lamang ang napatay na rebelde sa alyas nitong "Dagul." Nai-turnover na ang mga labi ng rebelde sa Ayungon Municipal Police Station.

Nasa maayos naman na kondisyon ang dalawang sugatang sundalo.

Narekober ng militar mula sa pinangyarihan ng bakbakan ang dalawang rifle grenade, dalawang magazine ng AK-47 at mga bala, mga subersibong dokumento, backpacks at handheld radio.

Nakatanggap umano ng ulat ang militar hinggil sa presensiya ng armadong grupo sa lugar.

Paparating pa lang ang kanilang tropa nang paputukan na ng mga rebelde.

Nagtagal ang bakbakan ng halos 40 minuto.

Patuloy naman ang pursuit operation ng mga sundalo laban sa mga nakatakas na rebelde.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.