Sanggol na ipapa-check-up, tinangay ng nagpakilalang tauhan ng DSWD

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 09:23 PM

Tinangay ang isang sanggol ng babaeng nagpakilalang empleyado ng Department of Social Welfare and Development (DWSD). 

Nakuhanan pa sa CCTV kung paano tinangay ng babae ang sanggol mula sa nanay at lola ng musmos.

Dinala ni Riza Garcia ang kaniyang 19-day-old na kambal na sina Zia at Zianne sa Las Piñas General Hospital noong umaga ng Setyembre 28 upang ipa-check up ang mga sanggol na mahina ang baga at hirap huminga. 

Lumapit sa kanila ang nagpakilalang si Natalie Damaso na empleyado raw ng DSWD at nag-alok na tutulungang maipasok ang kambal sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program at makatatanggap ng mga gamot at damit. 

Sa screen shot ng kuha ng CCTV ng ospital, kitang karga ng babae si Zianne.

Ayon kay Riza, nagtiwala siya sa babae dahil sa kabaitang ipinakita at hindi rin sila hiniwalayan ng babae hanggang alas-3 ng hapon.

Hindi rin dumating agad ang doktor kaya niyaya sila ng babae na pumunta sa isang fast food restaurant para doon umano sila kapapanayamin.

Sa kuha ng CCTV ng isang mall, kitang tumawid ng kalsada sina Riza, kaniyang ina, at ang babae. Karga ni Riza ang anak na si Zia habang karga naman ng babae si Zianne.

Inaya pa ng suspek ang mag-ina na mag-order ng pagkain at pagkaabot ng pera sa ina ni Riza, nagpaalam ang suspek na uupo habang karga si Zianne.

Ilang saglit pa, dali-daling tumayo at sumalisi papalabas ang babae at tumakbo patawid ng kalsada habang karga si Zianne.

Halos gumuho ang mundo ni Riza at mister na si Dick Gianan Jr. sa nangyari sa anak na tatlong linggo na nilang hindi nakikita. 

Si Zianne pa naman anila ang mahina at sakitin sa kambal.

Nasa edad 45 hanggang 50 at may taas na 4'8 hanggang 4'9 ang salarin sa pagtangay ng sanggol.

Ipinakalat na ng Las Piñas Police ang larawan ng babae para mabilis siyang mahanap.

Nagpaalala rin sila sa publiko na huwag magtiwala sa hindi kakilala at dapat sa opisina mismo ng DSWD isasagawa ang anumang transaksiyon. 

Handa namang magbigay ng pabuya ang mga kaanak nina Riza at Dick sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng kanilang anak at ng babaeng tumangay sa bata.

-- Ulat nina Dominic Almelor at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.