Pamilyang 'bakwit' sa Dipolog, ayaw nang bumalik sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 06:35 PM | Updated as of Oct 18 2017 10:46 PM

Dahil sa pag-atake ng teroristang grupong Maute, napilitan ang mga residente ng Marawi City na lumikas sa mga evacuation center o di kaya'y makitira sa mga kamag-anak sa ibang siyudad.

Limang buwan na mula noong lumisan galing Marawi ang pamilya ni Faisal Saprudin sa Dipolog City.

Habang nasa Dipolog, nakapagpundar na sila ng kaniyang misis na si Ashleya ng tindahan sa loob ng palengke, na kanilang pinagkakakitaan para sa pang-araw-araw na gastusin.

Ikinatuwa naman ng kanilang pamilya nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes na ligtas na ang Marawi mula sa terorismo.

Gayunpaman, hindi sigurado si Faisal kung babalik pa sila sa Marawi.

Mas natitiyak kasi umano nila ang kapayapaan sa nilipatang lugar. 

Si Rohaina Faisal, isa sa apat na anak ng mag-asawa at nasa ikalimang baitang, mas pipiliin umanong manatili sa Dipolog dahil mas marami siyang kaibigan doon.

Kahit mas maliit ang kita kumpara dati, mananatili muna sa Dipolog ang pamilya ni Faisal habang hindi pa natitiyak na ligtas at maayos na ang Marawi.

Ang pamilya ni Faisal, isa lamang sa maraming taga-Marawi na hindi sigurado sa kanilang babalikan matapos ang ilang buwang giyera. 

-- Ulat ni Dynah Diestro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.