NAIA, ligwak na sa tala ng 'worst airports', target namang maging 'best'

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 10:33 PM | Updated as of Oct 19 2017 04:00 AM

Matapos ang anim na taong napabilang sa listahan ng 'worst airports' sa mundo at sa Asya, naputol na ang mistulang losing streak na ito ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). 

Mula 2011 hanggang 2013, world’s worst airport ang NAIA para sa travel website na "The Guide to Sleeping in Airports".

Bumaba naman ito sa ikaapat na puwesto noong 2014, ikawalo sa worst airport in Asia noong 2015, at ikalima naman nitong 2016 sa world’s worst airport. 

Pero ngayong taon, wala na sa listahan ang NAIA.

Ayon kay General Manager Ed Monreal, maaaring nakatulong sa imahe ng NAIA ang pagtugon ng pamunuan nito sa isyu ng tanim-bala. 

Binigyan din anila ng prayoridad ang mga pasahero at may mga mauupuan para sa mga naghihintay, mas malinis na palikuran, libreng dalawang oras na Wi-Fi access, magalang na staff, at dagdag na pagpipilian para sa transportasyon palabas ng terminal. 

Pero ayon kay Monreal, marami pa ang dapat gawin tulad ng pagsasaayos ng ilang aircon units.

Pinag-aaralan na ring gawing eksklusibo ang terminals 1 at 3 sa international flights, at terminals 2 at 4 sa domestic flights.      

Layon ding mapabilang ang NAIA sa best airports in the world.

Kabilang naman ngayong taon sa best airports in Asia ang Iloilo International Airport, Mactan–Cebu International Airport, Davao Francisco Bangoy International Airport, at Clark International Airport. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.