Mga aangal sa jeepney modernization, ipakukulong: Duterte

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 12:38 PM | Updated as of Oct 18 2017 12:39 PM

Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga jeepney operator at transport group na sila'y ipakukulong kung hindi susunod sa balak ng pamahalaan na jeepney modernization program.

"I'm giving you until the end of the year, sumunod kayo kasi January 1, kapag may nakita ako na hindi na-rehistro, luma, guguyurin ko 'yan sa harap niyo," ani Duterte.

“Aarestuhin ko talaga kayo, believe me… You give me now the reason to enforce the law,” dagdag ng Pangulo.

Ibig sabihin, dapat mag-modernisa o palitan na ng mga tsuper ang kanilang mga sasakyan bago matapos ang taon.

Binitawan ng Pangulo ang mga pahayag noong Martes, Oktubre 17 habang nasa Camarines Sur. 

Ito'y matapos magdaos ang grupong Piston ng dalawangb araw na malawakang transport strike simula noong Lunes, Oktubre 16, upang ipakita ang kanilang pagtutol sa jeepney modernization.

Reklamo nila, lugi sila sa napakamahal na modernong yunit ng jeep dahil ito may presyong P1.2 hanggang P1.8 milyon.

Kasabay ng dalawang araw na transport strike, kinansela ng Malacañang ang trabaho sa gobyerno at klase sa lahat ng antas sa paaralan.

Nagbitaw din ng mabibigat na salita ang Pangulo laban sa mga tutol sa jeepney modernization.

"Mahirap kayo? P****g i*a, umalis kayo. Magtiis kayo sa hirap at gutom, wala akong pakialam,” ani Duterte.

Sinalubong din si Duterte ng ilang demonstrador sa Camarines Sur.

-- May ulat ni Rizza Mostar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.