Lalaki, bali ang leeg, patay sa tunnel sa minahan

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 05:48 PM

Natagpuang patay ang isang lalaki sa loob ng isang tunnel sa Antamok, Itogon sa Benguet.

Pasado alas-9 ng umaga ng Martes nang matagpuan ng mga minero sa Sitio Luneta ang bangkay ng isang lalaki na kinilala ng mga pulis bilang ang 27 anyos na si Rene Degma. 

Kuwento ng mga minero, limang araw silang hindi nagmina sa isa sa mga butas sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay. 

Inakala nilang gas poisoning ang sanhi ng pagkamatay nito. 

Pero base sa imbestigasyon ng mga pulis, pagkabali ng mga buto ng biktima dala ng pagkahulog sa butas ang kumitil sa buhay nito. 

"Lumalabas sa investigation na may fracture siya sa leeg at ibang parte ng katawan, 'yun ang lumalabas na cause ng pagkamatay, hindi gas poisoning," ani Chief Inspector Eugene Raymundo, hepe ng Itogon Municipal Police Station.

Hinala ng mga minero, tinangka nitong magnakaw mula sa butas. 

Nakikipag-ugnayan pa ang News team sa pamilya ng biktima. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.