Kasambahay, huli sa pagnanakaw ng P1-milyong halaga ng alahas

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 02:06 PM

Arestado ang isang kasambahay sa Quezon City matapos nakawan ang kaniyang amo ng mga alahas na nagkakahalaga ng mahigit P1 milyon.

Kinilala ang suspek na si Jonalyn Andir, 33 anyos.

Si Andir umano ang nagnakaw ng dalawang mamahaling singsing at isang relo ng kaniyang amo sa Brgy. Horseshoe, Quezon City noong Linggo, Oktubre 15.

Ayon sa pulisya, lumapit sa kanila ang amo matapos nitong mapansin na wala na ang mga alahas sa loob ng kaniyang bag.

Tinawagan ng amo ang suspek upang tanungin hanggang sa napaamin ito.

Ipinakuha ng suspek ang mga alahas sa tinitirhan ng kaniyang live-in partner sa Balagtas, Bulacan.

Depensa ng suspek, napulot lamang niya ang mga alahas sa garahe ng bahay.

Subalit inamin nitong dinala niya sa sanglaan ang mga alahas upang malaman ang halaga.

Nagmakaawa pa ang suspek ngunit hindi siya pinatawad ng amo.

Qualified theft ang isinampang kaso laban kay Andir.

--Ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.