Giit ng vendors: 'Happy lane' di 'hepa lane'; pero binuwag pa rin

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 05:29 PM | Updated as of Oct 19 2017 03:55 AM

Sa kabila ng utos ng lokal na pamahalaan ng Maynila na dapat nang tumigil ang kanilang operasyon, nagbukas pa rin ang mga tindahang nasa tinaguriang "hepa lane" sa university belt sa Maynila.

Giit ng mga nagtitinda, hindi sila hepa lane na naging bansag dahil sa sakit na hepatitis na nakukuha umano sa pagkaing ibinebenta sa kanilang tindahan.

Anila, dapat silang tawaging "happy lane" dahil nakapagpapasaya at nakabubusog din ang kanilang ibinebenta.

Sabay-sabay pa nilang pinunit ang closure order ng Manila local government.

Pero hindi umubra ang kanilang pagmamatigas dahil muling binuwag ang kanilang mga tindahan.

Bahagyang nagkagirian ang mga tauhan ng Manila City Hall at ang mga pumipigil na maisara ang mga tindahan.

Binitbit din ang stalls ng ilang nagtitinda.

Wala pang isang linggo nang buwagin ang mga tindahan sa lugar dahil hindi sila pasado sa pamantayan ng kalinisan ng Manila Sanitation Division.

Inirekomenda ng sanitation division na alisin ang mga tindahan ng pagkain dahil nadiskubre ring walang mga business permit, sanitary permit, at health certificate ang mga tindahan.

Maaari pa umanong makakuha ng sakit tulad ng hepatitis dahil hindi tiyak ang kalinisan ng mga ibinibentang pagkain.

Nauna nang itinanggi ng mga may-ari ng tindahan na madumi ang kanilang ibinibenta.

-- Ulat nina Lyza Aquino at Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.