CHR, umaasang lalagdaan ni Duterte ang kanilang buong budget

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 03:43 PM

Naniniwala si Commission on Human Rights (CHR) Chairman Chito Gascon na aaprubahan ang kabuuan nilang budget para sa taong 2018.

Ito'y matapos bawiin ng House of Representatives ang nauna nang inilaan na P1,000 budget na pinaburan ng 119 na kongresista noong nakaraang buwan. 

Umaasa rin daw ang CHR na aaprubahan at lalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kabuuan ng budget, partikular na ang P700 milyong inilaan ng Senado para sa komisyon. 

"May kompiyansa kami na pagdating sa bicameral conference committe ay ma-resolve ito at makita ng Congress na mahalaga pa rin pondohan ang trabaho ng CHR. Umaasa kami na ang Presidente ay pipirma din," sabi ni Gascon. 

Ayon pa kay Gascon, hindi sila matitinag sa mga kritisismo laban sa komisyon. 

"Ang amin, we will continue to monitor, to investigate, to question, but again, it's not for us to tell them how to do their job but we will tell them when they violate what we believe to be the standard human rights norm in this country," ani Gascon.

Nagpasalamat rin ito sa suportang natanggap mula sa publiko at iminumungkahi ang pagkakaroon ng Human Rights Volunteer Corps.

Mapapabilis umano nito ang pagtugon sa mga kaso ng paglabag sa human rights at mas mapapalawig ang kamalayan ng publiko patungkol sa gampanin ng komisyon pati na sa kanila mismong mga karapataang pantao. --Ulat ni Justin Aguilar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.