Alaala ng yumaong si Cardinal Vidal, sinariwa ng mga kaibigan, Malacañang

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 06:06 PM

Sinariwa ng mga kaibigan ang alaala ng yumaong si Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal.

Pumanaw si Vidal sa edad na 86 dahil sa pneumonia.

Ayon kay Msgr. Joseph Tan, tagapagsalita ng Archdiocese of Cebu, binawian ng buhay ang Cardinal nitong Miyerkoles, alas-7:28 ng umaga sa intensive care unit ng Perpetual Succor Hospital sa Cebu City.

Ikinalulungkot ng Simbahang Katolika ang pagpanaw ni Vidal.

Kasama sa mga nagpaabot ng pakikiramay si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas.

Para kay Villegas, ang talino at kababaang-loob na ipinakita ni Vidal ay mananatili sa lahat ng kaniyang naiwan. 

Hinimok din niya ang mga Katoliko na magbigay ng huling respeto para sa pinakamatandang cardinal sa bansa. 

Nakikidalamhati rin ang Malacañang sa pagpanaw ni Cardinal Vidal.

“President Rodrigo Duterte and Cardinal Vidal had a friendly, cordial relationship. The good Cardinal paid a courtesy call to Malacañang shortly after PRRD assumed office and assured the Chief Executive of his fervent prayers for him and his administration,” pahayag ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella.

Nakaburol ngayon ang labi ni Vidal sa Cebu Metropolitan Cathedral.

Nagsilbi si Vidal bilang archbishop ng Cebu sa loob ng 29 taon hanggang sa kaniyang pagreretiro noong 2011.

-- Ulat nina June Perez at Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.