Aegis Jvris, mga magulang ni ‘Atio’, nagkaharap sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 03:09 PM | Updated as of Oct 19 2017 03:53 AM

Nagkaharap-harap nitong Miyerkoles, Oktubre 18, ang mga magulang ni Horacio Castillo III at ilang miyembro ng Aegis Jvris Fraternity, ang sinasabing nakapatay sa University of Sto. Tomas freshman law student. 

Sa pagdinig ng Senado sa kaso ng pagkamatay ni ‘Atio’, dumalo sa unang pagkakataon sina Arvin Balag, Juan Miguel Salamat, Oliver John Onofre, Ralph Trangia, Mark Ventura, Axel Hipe, at iba pa. 

Kasama rin sa mga dumalo si John Paul Solano, ang nagdala kay Atio sa Chinese General Hospital noong Setyembre 17.

'Cover-up' 

Isiniwalat ng Manila Police District (MPD) na nagpulong ang hindi bababa sa 21 miyembro ng Aegis Jvris upang planuhin kung paano pagtatakpan ang nagawang krimen kay Atio. 

Sa pahayag ni MPD director Superintendent Joel Coronel, ang meeting ay naganap sa Novotel hotel sa Quezon City noong Setyembre 17, ilang oras lamang ang nakakalipas matapos dalhin sa ospital ang walang buhay na si Atio. 

"To our mind, it appears that the agreement then made by those who met at Novotel was to cover up and to obstruct justice,” ani Coronel

Dagdag pa ni Coronel, nasapul sa CCTV ng nasabing hotel ang 12 fratmen na nagpunta sa meeting.

Inamin naman ni Salamat na pumunta siya sa meeting ngunit tumanggi siyang pangalanan ang mga mukhang nakita sa CCTV. 

Contempt

Samantala, nagdesisyon ang komite ng Senado na i-cite in contempt ang tinuturong lider ng Aegis Jvris na si Balag matapos nitong paulit-ulit na tanggihang sagutin ang mga tanong ni Senador Grace Poe. 

"With all due respect, I invoke my right [against] self-incrimination," ani Balag nang tanungin ni Poe kung siya ang presidente ng fraternity.

Ito naman ay ikinabuwisit ni Poe.

"Ni pagiging miyembro ‘di mo aaminin? Anong klaseng lider ka ng fraternity? Mga kasamahan sa fraternity, ito ang lider niyo oh," ani Poe.

Binigyan pa ni Senador Panfilo Lacson ng isa pang pagkakataon si Balag na sumagot, subalit tumanggi pa rin ito. 

"Sergeant-at-arms, after this hearing, you place him under detention," utos ni Lacson. 

Ani Lacson, maaaring sa Pasay City Jail ikulong si Balag dahil naka-recess aniya ang Kongreso. 

‘Napulot sa Tondo’

Sa testimonya naman ni Solano, kinumpirma niya na sa Aegis Jvris library sa Sampaloc nga ginanap ang initiation rites ni Atio. 

Aniya, makailang ulit siyang tinawagan ni Onofre na pumunta sa library upang tulungan ang isang taong “nag-collapse.”

Nang makita niya si Atio, wala na raw itong pulso. 

Sinabi ni Solano na si Balag ang nag-utos sa kaniyang magdala sa naghihingalong si Atio sa Chinese General Hospital imbes na sa UST hospital na 10 minuto lang umano ang layo sa library. 

"Sabihin mo napulot mo sa Balut, Tondo," utos ni Balag. 

Kinumpirma din ni Solano na ang sasakyan ni Trangia ang ginamit nila sa pagsugod kay Atio sa ospital. 

UST Law dean, hindi magbibitiw

Samantala, nanindigan si UST Civil Law Dean Nilo Divina na hindi siya bababa sa puwesto kahit pa inamin nitong maaaring ang kaniyang law firm na Divina Law ang magrepresenta sa eskuwelahan sakaling makasuhan.

"I thought about that very seriously and after deliberation and bringing it to my own prayers, I came to the conclusion that I cannot abandon my students, especially the barristers preparing for the examination, my 40 students and the rest of the studentry," tugon ni Divina sa suhestiyon ni Poe. 

Ani Divina, nananatili siyang tutok sa trabaho kahit pa maraming kontrobersiya ang pinupukol sa kaniya. 

"I don’t think my dedication, my commitment to teaching and as an academician has been changed because of this...I don’t think it has a bearing on my competence or dedication as a dean, a professor and academician," paliwanag ni Divina. 

Tugon naman ni Poe, ang posisyon ni Divina ay maaring makaimpluwensya sa takbo ng kaso.

"You can still continue lecturing, but holding a position in power as dean, I believe can compromise and even scare away certain members," ani Poe kay Divina. 

Si Divina ay isa ring miyembro ng Aegis Jvris. Ayon sa mga magulang niya, ito ay isa sa mga naka-enganyo kay Atio na sumali sa nasabing fraternity. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.