500 bahay sa Manggahan Floodway, giniba

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 03:24 PM

MAYNILA - Giniba na ang natitirang 500 bahay ng mga informal settler sa East Bank Road ng Manggahan Floodway, sakop ng Pasig City, Miyerkoles ng umaga. 

Mapayapang nilisan ng mga residente ang kanilang mga tahanan sa loob ng mahabang panahon pagdating ng mga demolition team mula sa lokal na pamahalaan at sa Philippine National Police.

Ayon kay Noni Rivera, officer-in-charge ng Pasig Urban Poor Affairs Office, pinili ng mga pamilyang nawalan ng bahay ang relocation sites sa Calauan, Laguna, gayundin sa Rodriguez at Tanay, Rizal.

Bukod pa ito sa tig-P20,000 ibinigay ng lokal na pamahalaan ng Pasig sa mga apektadong residente. 

Hini naman napigilan ng ilang residenteng maging emosyonal. Isa na rito si Honey Cabangin na 22 taong tumira sa Manggahan Floodway, na di naimpormahang ngayon na pala ang demolisyon. 

"Nabigla pa rin kami, ngayon mga anak ko nasa trabaho lahat, kami lang ng asawa ko na maysakit pa sa puso," sabi ni Cabangin habang naluluha. 

Bagama't tanggap na ang kapalaran, reklamo pa rin ng ilang residente, walang koryente at tubig sa pabahay na paglilipatan nila. Marami rin anilang mga unit na hindi pa tapos gawin.

"Kahit walang tubig walang ilaw obligado kami dahil wala naman kami sisilungan," ani Ponciano Joaquin.

"Mga senior na kami. Patutuluyin mo kami doon, walang kuryente walang tubig, mag-iigib paba kami ng tubig," dagdag ni Reynaldo Agno.

Umapela naman sa lokal na pamahalaan ang Alliance of Peoples Organization sa Manggahan Floodway na itigil ang demolisyon hangga't hindi pa handa ang relokasyon. 

"Nanawagan kami lalo na kay Mayor, bigyan kami ng panahon, ihinto muna ang demolition dahil yung lilipatan namin hindi ready tulungan muna kami na maisaayos muna ang mga bagay-bagay," ani Jenelyn David, General Secretary ng alyansa. 

Giit naman ni Lolet Austria, tagapagsalita ng Pasig City, hindi sila nagkulang sa abiso sa mga residente ukol sa demolisyon ngayong araw. 

Bukod sa relokasyon at tulong pinansyal, meron pa aniyang livelihood assistance ang Pasig para sa mga residenteng lilipat ng tahanan sa mga relocation site.

"Ang ating mga kababayan inililipat nang maayos,. 'Yung iba ayaw ko isipin na gumagawa lang ng rason. Sana makita muna nila yung pamayanang lilipatan nila," ani Austria.--ulat mula kay Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.