3 patay sa engkuwentro sa Albay

Mitch Bercilla Villanueva, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 10:41 AM | Updated as of Oct 18 2017 11:35 AM

TIWI, Albay – Tatlong katao, kabilang na ang isang sundalo at dalawang pinaghihinalaang kasapi ng New People’s Army, ang napatay sa engkuwentro Martes ng umaga.

Nagkasagupaan ang grupo ng 92nd Division Reconnaissance Company ng Philippine Army at grupo ng mga rebelde sa Sitio Mapalak ng Baranggay Joroan.

Ayon sa ilang mga residente, nakarinig sila ng mahinang putukan pero hindi nila inakalang bakbakan na pala iyon.

Nagpalipad din ng drone ang tropa ng pamahalaan para matukoy kung nasaan ang mga rebelde.

Bandang alas-3:30 ng hapon naakyat na ang kabundukan ng Sitio Mapalak kung saan masukal at matarik ang daan.

Bakas pa sa damuhan ang dugo na hinihinalang mula sa kalaban.

Sa halos 3 oras na lakaran, narating ang sentro ng bakbakan at doon nakita ang unang bangkay ng isang rebelde.

Sa hindi kalayuan, isang katawan pa ang narekober ng pulisya.

Sa lugar na sinasabing ginamit bilang lutuan at kampo ng mga rebelde, makikita ang ilang kagamitan tulad ng kaldero, baso at pagkain.

Kuwento ng ilang sundalong nakipagbakbakan, nagkagulatan daw ang magkabilang kampo habang isinasagawa nila ang kanilang combat operation.

Tumagal ng halos 30 minuto ang bakbakan.

Nalagasan din ng isang sundalo ang hanay ng militar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.