3 estudyante, nasalpok ng van nang atakihin sa puso ang driver

ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 05:46 PM | Updated as of Oct 18 2017 06:16 PM

Sumampa sa gutter at bumangga sa pader ang isang puting van sa B. Serrano Ave. sa Caloocan noong Agosto 25, 2017. 

Tinukoy ang driver ng van na si Leovino Cabangon na kalauna'y matutuklasang inatake pala sa puso kaya biglang bumangga ang kaniyang minamaneho.

Nasapul ng kaniyang van ang tatlong estudyanteng noo'y naglalakad sa bangketa.

Sumaklolo naman ang isa sa mga nakasaksi sa aksidente.

"Bigla na lang akong may narinig na tumunog, pagtingin ko do'n sa kabilang kalsada, nakita ko na ‘yong sasakyan nakasampa do’n sa gutter," kuwento ni Susan Anas.

"May nakita akong ulo ng bata. Nando'n ang ulo niya sa likod ng gulong. Tapos sabi ng bata, 'Ate, ate, tulungan mo kami.'"

Kuwento ng misis ng drayber na si Norma Cabangon, walang bisyo ang kaniyang asawa, pero may sakit na iniinda.

"Ako rin nagpipilit, 'Punta tayo sa doktor, wala naman, hindi ka i-injection-an.' Kahit nga ‘yong mga simpleng medication, halos hindi niya iniinom."

Nananatiling top killer sa bansa ang heart attack. Sa datos ng Philippine Statistics Office, umakyat sa mahigit 10,000 ang bilang ng mga inatake sa puso mula 2011 hanggang 2013.

"Ang nangyayari kasi sa heart attack, ‘yong ugat sa puso... nababara siya. Pagkatapos kapag nababara siya, ‘yong agos ng dugo magkakaroon ng obstruction," ayon kay Dr. Andrew Carreon, isang cardiologist.

"Kapag nabara 'yon nang buo, wala nang supply beyond do'n sa bara. Mamamatay ang muscles do'n sa puso. 'Pag nangyari 'yon, heart attack po 'yon."

Walang pinipiling tao o panahon ang atake sa puso pero hindi ibig sabihing hindi ito puwedeng maagapan at mapaghandaan. 

Panoorin ang tips para makaiwas sa ganitong peligro sa "Red Alert" mamayang gabi pagkatapos ng "Bandila" sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.