10 mangingisda, nailigtas sa Sarangani Bay

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 03:16 PM

SARANGANI - Nailigtas ang 10 mangingisda matapos silang tangayin ng malalakas na alon sa Sarangani Bay.

Isa si Geovanne Hermoso, 29 taong gulang, sa 10 mangingisdang nailigtas sa Sarangani Bay noong Linggo.

"Akala ko talaga mamamatay na ako at di ko na makikita ang dalawa kong anak. Ang lalaki kasi ng mga alon talaga kaya lumubog ang bangka namin," aniya.

Apat na taon na siyang nangingisda pero hindi umano niya makakalimutan ang karanasan na ito.

"Sabi ko talaga, hanggang dito na lang ako pero nagpapasalamat ako kasi narescue kami ng mga kasamahan namin," ani Hermoso.

Umalis si Hermoso at ang kanyang mga kasamahan sa Barangay Kayupo sa bayan ng Kiamba noong Sabado ng umaga.

Bandang tanghali nang mapansin ni Demetrio Villarta, isa sa mga kasama nila, na lumalaki ang alon.

"Pag-alis namin dito sa Kiamba, ok pa eh pero nagtaka na lang kami bigla na lang sumama ang panahon at lumaki mga alon. Nasira ng mga malalaking alon ang aming bangka," ani Villarta.

Lumubog ang kanilang bangkang pangisda pero masuwerte sila na malapit lamang sa kanila ang kanilang mga kasamahan.

"Mabuti na lang nakita kami agad ng mga kasama namin. Sampu kami sa fishing boat tapos 8 sila sa kabila," ani Villarta.

Dumaong ang kanilang bangka sa bayan ng Maasim Lunes ng umaga.

Pinayuhan na rin ng Philippine Coast Guard ang mga mangingisda na iwasan muna ang pumalaot habang hindi pa kalmado ang karagatan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.