1 patay, 2 sugatan sa banggaan ng kotse, tricycle sa GenSan

Giesaril Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Oct 18 2017 09:29 PM

GENERAL SANTOS CITY – Patay ang isang babae habang dalawa ang sugatan matapos magbanggaan ang isang kotse at tricycle sa Barangay Apopong dito Martes.

Agad binawian ng buhay si Annabel Eupena, 54, dahil sa tinamong head injury nang mabangga ang sinasakyang tricycle.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng tricycle ang national highway sa Barangay Apopong papunta sa direksyon ng Barangay Polomolok. 

Ang mister ni Eupena na si Vergilio Eupena ang nagmamaneho, habang sakay din nito ang kaniyang bayaw na si Saturnino.

Papaliko na raw sana ito papasok sa Apopong nang biglang banggain ng isang kotse.

Dahil sa lakas ng bangga, napunta ang tricycle sa inner lane ng kabilang linya at tumama sa cargo trak na saktong bumabaybay sa kalye papuntang GenSan city proper. 

Kasalukuyang hinahanap ng nga operatiba ng traffic management unit ang tumakas na driver ng kotse.

Kritikal ngayon sa ospital si Vergilio habang nakalabas na si Saturnino.

Nakakulong naman ngayon sa custodial facility ng Police Station 2 ang driver ng cargo truck na si Carlos Barda Jr.

Ayon sa kaniya, wala siyang kasalanan at nadamay lang sa banggaan.

Aniya, nagbabayad siya sa kasalanang hindi niya naman ginawa samantalang nagtatrabaho siya nang maayos para sa kaniyang pamilya. 

May panawagan din siya sa mga taong nakakaalam sa plate number ng kotse na tulungan siyang makalaya. Sana rin daw, sumuko na ang driver ng kotse na unang nakabangga sa tricycle.

Kasalukuyang naghahanap ang pulisya ng CCTV footage na posibleng nakakuha ng plate number ng mga kotseng dumaan sa kalye nang mangyari ang banggaan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.