Napatay ng isang pedicab driver ang dalawang pulis sa Naga City, Camarines Sur, gabi ng Oktubre 16, 2021. Napatay naman ang suspek sa isinagawang hot pursuit operation.
Patay ang dalawang pulis sa Naga City, Camarines Sur, gabi ng Sabado, matapos ang pag-atake ng isang pedicab driver sa hindi pa malamang dahilan, ayon sa ulat ng pulisya.
Hinambalos muna ng tubo bago barilin sa ulo si Police Chief Master Sergeant Romeo Padua mag-a-alas 7 ng gabi, habang naka-duty sa Barangay Dinaga sa nasabing lungsod.
Kinilala ang suspek na si Jericho Cano, na ayon umano sa kaniyang pamilya ay madalas wala sa sarili nitong mga nakalipas na araw at nasa drugs watchlist rin daw ng barangay, sabi ni pulisya.
Kinuha umano ni Cano ang baril ni Padua na siyang ganamit nito sa pamamaril.
Isinugod sa ospital si Padua pero dineklara itong dead on arrival.
Sa isinagawang hot pursuit operation, tinamaan ni Cano si Police Cpl. Christian del Valle na ikinamatay rin nito.
Kalaunan ay nabaril din si Cano at napatay.
"Napagtripan si Padua ng suspek. Hinampas yung ulo. Nang mahimatay, kinuha ng suspek yung baril at binaril sa ulo si Padua. Tapos nadaanan ng suspek yung isa pang pulis, at binaril din sa ulo. Pero namatay din yung suspek dahil imbes sumuko, nakipagbarilan pa sa mga nagrespondeng pulis", sabi ni Police Maj. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol PNP.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa pangyayari, lalo na sa dahilan o motibo ng suspek sa pananakit at pamamaril.
- Ulat ni Karren Canon
KAUGNAY NA VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.