PatrolPH

15 bahay, barangay hall sa Bakun, Benguet apektado ng landslide

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2021 12:35 PM | Updated as of Oct 17 2021 06:22 PM

Pinsalang iniwan ng pagguho ng lupa sa Bakun, Benguet bunsod ng masamang panahong dala ng Bagyong Maring. ABS-CBN News
Pinsalang iniwan ng pagguho ng lupa sa Bakun, Benguet bunsod ng masamang panahong dala ng Bagyong Maring. ABS-CBN News

(UPDATE) Nasa 17 pamilya ang nawalan ng bahay sa pagguho ng lupa sa Barangay Poblacion sa bayan ng Bakun, Benguet bunsod ng masamang panahong dala ng Bagyong Maring.

Tinatayang nasa 15 bahay ang nadamay sa pagguho, na nagdulot din ng pinsala sa bahagi ng barangay hall.

Kasalukuyang nakikitira sa bahay ng mga kaanak at kapitbahay ang mga apektadong pamilya.

Mayroon ding mga gaya ng pamilya Aguyos na nakikituloy muna sa dapat sana'y isolation area para sa mga pasyenteng may COVID-19.

Sa ngayon, may 3 COVID-19 cases sa Barangay Poblacion na pina-isolate muna sa ibang barangay.

"Noong gabi ng Lunes, maaga kami nakatulog kasi walang ilaw... Naramdaman ko nahulog ako sa kama, umiiyak anak ko, naipit paa. Umiyak ako [at] tinulungan ko siya," kuwento ni Flordeliza Aguyos.

Aabot sa 100 square meters ang nabawas sa orihinal na 300 square meters na gusali ng Barangay Poblacion malapit sa mga bahay.

Watch more on iWantTFC

Nadamay ang opisina, kusina at palikuran ng barangay hall pati ang klinika kung saan tina-triage ang mga dumarating na mga bisita.

Napagigitnaan kasi ang Bakun ng 3 bundok, kasama ang Mount Kabunian.

Ayon kay Osias Mateo Jr., chairperson ng Barangay Poblacion, gagamitin nila ang supplemental budget para bumili ng mga kailangan sa clinic at titingnan kung may maisasalba ring gamit.

Nagtayo muna ang mga taga-Poblacion ng pansamantalang klinika na pinalibutan ng tolda.

Ayon kay Bakun Mayor Bill Raymundo, plano niyang hilingin ang pagdeklara ng state of calamity para matulungan ang kanilang bayan na maka-recover agad.

Sa ngayon, hindi pa tumatanggap ng bisita ang bayan.

Hindi rin tumatanggap ng mga non-essential traveler ang Baguio City, na 3 oras ang layo sa Bakun, dahil mataas pa rin ang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Halos 1,000 nang bibiyahe sana papuntang Baguio ang hindi umano pinapasok ng lungsod ngayong Oktubre.

— Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.