Higit P2-milyong halaga ng giant clams nasabat sa Palawan

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2020 03:16 PM

Nakuha mula sa suspek ang isang toneladang taklobo o giant clams na nagkakahalaga ng P2.5 milyon sa Narra, Palawan. Larawan mula sa Philippine National Police Maritime 2nd Special Operating Unit


Timbog ang isang lalaki matapos makuhanan ng isang toneladang giant clams o taklobo na nagkakahalaga ng P2.5 milyon sa Purok Bagong Lipunan, Barangay Teresa, Narra, Palawan, Biyernes ng umaga.

Sa inisyal na report ng Philippine National Police Maritime Group 2nd Special Operations Unit, nagsagawa sila ng joint law enforcement operation kaya nahuli ang suspek na kinilalang si Markin Claud, 32 anyos, residente ng nasabing bayan.

Ang mga taklobo o giant clam ay itinuturing na ring threatened species sa red list ng International Union for Conservation of Nature. 

Napag-alaman rin ng mga awtoridad na wala itong kaukulang legal na dokumento. 

Sinampahan na ang lalaki ng kasong paglabag sa Section 102 ng Philippine Fisheries Code of 1998.

Samantala, dinala na sa 2nd SOU-MG Headquarters ang lalaki at ang mga nakumpiskang giant clams.