Suspek sa pagpatay ng pulis na umawat sa away sa QC, sumuko na

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2019 10:24 PM | Updated as of Oct 17 2019 11:35 PM

MAYNILA - Sumuko na ang isa sa mga suspek sa pamamaril ng pulis na umawat sa isang away ng mga kalalakihan sa isang gasolinahan sa Novaliches, Quezon City noong nakaraang linggo.

Ayon kay Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) commissioner Greco Belgica, haharap sa media ang suspek na si Antoñino Salvador sa Biyernes.

Ayon sa pulisya, maghahatinggabi noong Oktubre 6 nang rumesponde sa nasabing kaguluhan sa Barangay Kaligayahan si Patrolman John Christian Magtoto at 2 pang kasamahan nito.

Nang pumagitna si Magtoto sa kaguluhan, siya ang pinagbalingan ng galit.

Bumunot umano si Salvador ng baril na at pinaputukan ang bumagsak na Magtoto saka binaril din ang nakaalitan na si Vincent Genovania.

Naisugod sa ospital sina Magtoto at Genovania pero binawian din ng buhay ang mga ito.

Matapos ang insidente ay nahuli ang isa sa mga suspek habang nakatakas si Salvador.

Sinampahan na ng dalawang bilang ng murder ang mga suspek.

- Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.