Magnanakaw na dawit sa 'solicitation letter' modus arestado sa Rizal

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2019 04:00 PM | Updated as of Oct 20 2019 06:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Arestado sa checkpoint ang isang lalaki sa San, Mateo, Rizal noong Linggo, na kalauna'y natuklasang isa palang notoryus na magnanakaw na gumagamit ng solicitation letter bilang instrumento.

Ayon kay Police Lt. Col. Joselito Desesto, hepe ng San Mateo police, nahuli ang suspek na si Rey Lacson ng mga tauhan ng Barangay Guitnang Bayan 1 matapos siyang masita sa pagmamaneho ng di rehistradong motorsiklo.

Bukod pa dito, nakuhanan din ng droga ang suspek.

"Nahuli ito sa Oplan Sita ng mga barangay tanod. Sakay siya ng motor na walang rehistro... Nakalaglag siya ng isang sachet ng droga, then sa frisking, naka-recover pa uli ng isang sachet ng hinihinalang shabu," sabi ni Desesto.

Nang dalhin sa presinto, nalamang taga-Antipolo si Lacson at notoryus na magnanakaw pa.

"Itong suspek na ito pumapasok sa mga establishment, magpapanggap na customer, then maghahablot ng kung ano mang gamit andun," paliwanag ni Desesto.

Matapos ang pagkakaaresto kay Lacson noong Linggo, umabot na sa 15 ang nagtungo sa pulisya at nagsabing biktima sila nito.

Tumanggi na munang magbigay ng pahayag ang suspek pero hindi naman nito ikinaila ang krimen.

“No comment po. Bahala na po sila," sabi ni Lacson.

Nahaharap si Lacson sa mga kasong robbery, theft at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.