Higit P1-milyong halaga ng pork siopao naharang sa Bacolod

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2019 04:22 PM | Updated as of Oct 17 2019 08:35 PM

Palabas na sana ng port ang truck na karga ang container van na naglalaman ng pork siopao nang maharang ng African Swine Fever Task Force sa Bacolod City. Mitch Lipa, ABS-CBN News

Mahigit P1-milyong halaga ng assorted pork siopao mula Quezon City ang naharang ng African Swine Fever Task Force sa Bacolod Port, Miyerkoles ng gabi.

Palabas na sana ng port ang truck na may kargang container van nang madiskubre ng ASF Task Force.

Mula sa passenger vessel na galing Cebu ang container van pero sa dokumento ng produkto nagpapakita na mula sa Maynila ang 8,640 packs ng assorted pork siopao.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa isang pack ay may laman na tig-anim na piraso ng produkto gaya ng premium asado, premium bola-bola at premium spicy asado.

Ang shipper ay isang taga-Mandaue City, Cebu. Hinala ng task force, ito ang supplier ng isang malaking food chain sa Bacolod.

Matapos madokumento, ibinalik sa container yard ang shipment at nakatakdang ikarga pabalik sa shipper.

Kinumpiska naman sa Bacolod Airport ang mahigit 10 kilo ng assorted pork meat products mula Pampanga. Nagkakahalaga ng P6,000 ang mga bacon, tocino at chicharon na sinunog sa compound ng airport Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa provincial veterinarian na si Dr. Renante Decena, resulta ito ng maigting na pagbabantay ng task force para hindi makapasok ang pork meat products galing Luzon kung saan may positibong kaso ng ASF.

Dagdag pa ni Decena, nakatakdang pahabain ng probinsya ang 90-day ban na magtatapos sa Disyembre 18, 2019.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.