5 patay sa lindol sa Mindanao; mga residente pinag-iingat sa aftershocks

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2019 03:33 PM | Updated as of Oct 17 2019 09:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hindi bababa sa 5 na tao ang patay at higit 60 naman ang sugatan dahil sa magnitude 6.3 na lindol na naitala sa Tulunan, North Cotabato at gumulantang sa iba't ibang bahagi ng Mindanao noong Miyerkoles ng gabi.

Sa huling bilang ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Huwebes, sinabi ng ahensiya na 4 na ang kumpirmadong patay sa Mindanao.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kabilang sa mga namatay ang isang 7 anyos na babae sa Datu Paglas, Maguindanao na nadaganan ng pader.

Isa namang buntis ang nakunan sa Kidapawan City dahil sa lindol.

Pinakamataas na intensity 7 ang naitala sa Tulunan Kidapawan City, habang intensity 6 naman ang naramdaman sa Digos City, Davao del Sur; Sto. Nino, South Cotabato; at Tacurong City.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dahil dito, pinayuhan ng Phivolcs ang mga residente sa mga nasabing lugar na mag-ingat at maging alerto sa posibleng landslide lalo't patuloy na umaakyat ang bilang ng aftershocks.

"Iyong mga matatarik na lugar, lalo na sa may Intensity 7 at 6... Sa mga aftershocks o di kaya'y may malakas na pag-ulan, baka magkaroon din ng landslide," sabi ni Phivolcs Director Renato Solidum.

Watch more in iWant or TFC.tv

Lagpas 200 aftershocks na ang naitala ng Phivolcs matapos ang lindol.

Samantala, nilinaw ng Phivolcs na hindi masyadong malakas ang pagyanig kayat walang banta ng tsunami.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.