Babaeng nagpakalat ng ‘fake news’ ukol sa lindol, may warning sa awtoridad

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2019 09:57 PM

DAVAO CITY—Inimbitahan ng mga awtoridad ang isang 17-anyos na babae matapos magpakalat ng maling impormasyon sa social media sa Barangay Daliao, Toril, sa lungsod na ito Huwebes.

Base sa post ni alyas "Nene" sa Facebook, magkakaroon umano ng mas malakas na lindol kasunod ng nangyaring pagyanig nitong Miyerkoles kaya nagdulot na naman ito ng panic at paglikas ng mga naninirahan sa coastal area sa nasabing barangay.

Nangiyak-ngiyak sa paghingi ng patawad si Nene sa kaniyang ginawa.

Aniya, nakuha niya ang impormasyon sa paligid kaya pinost nya ito para maabisuhan ang lahat.

"Hindi basta basta maniwala sa istorya-istorya ng mga tao dapat makii-update sa gobyerno," aniya.

Humingi rin ng patawad ang kaniyang ina sa ginawa ng kaniyang anak

Nilinaw naman ulit ng City Disaster Risk Reduction and Management Office na hindi totoo ang mga tsunami alert.

Nagbanta naman si Rodrigo Bustillo, operations chief ng lokal na disaster-mitigation agency, sa iba pang nagpapakalat ng maling impormasyon hinggil sa lindol at tsunami na mas mabuting burahin na ito dahil ipapaaaresto niya ang mga ito.

Isa ang Davao City sa mga nakaramdam sa epekto ng magnitude-6.3 na lindol na tumama sa North Cotabato Miyerkoles ng gabi.