'Arranged marriage': Babae kinidnap, ginahasa umano ng lalaking mapapangasawa

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2019 04:24 PM | Updated as of Oct 17 2019 07:47 PM

MAYNILA — Nasagip ng pulisya nitong Huwebes ang isang 22 anyos na babae na biktima umano ng "arranged marriage" na bukod sa kinidnap ay ginahasa pa daw ng kaniyang magiging mister.

Natunton ng mga operatiba ng Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang biktima sa isang bahay sa Barangay Uno, Silang, Cavite.

Agad itinuro ng biktima ang 2 lalaking nagbantay sa kaniya para hindi makatakas.

"Parang-awa niyo po tulungan niyo ako mahigit 3 araw na po ako dito," pakiusap ng biktimang si alyas "Betty."

Kuwento ni Betty, siya mismo ang nagtimbre sa PNP-AKG sa kaniyang kinaroroonan.

"Matagal niya na kong tinatakot noon kaya ako kumuha ng flyers [ng PNP-AKG] para kapag sakali man na mangyari may tutulong," sabi ni Betty.

Ayon sa biktima, kinidnap siya mula sa kaniyang bahay ng lalaking napagkasundo sa kaniya.

"Pinuntahan ako sa bahay ng mga kamag-anak namin at kasama 'yung gustong mag-asawa sa akin. Pinilit nila po na sumama ako kahit ayaw ko kinaladkad ako palabas," sabi ni Betty.

Pinatotohanan naman ng PNP-AKG ang kuwento ni Betty.

"Siya mismo ang nag-text na nagpapa-rescue siya. Nabigay niya ang address sa bahay na pinagdalhan sa kaniya, parang paupahan, may electric bill, ito ang pinagbasehan niya ng address," ani Police Lt. Col. Jowell Saliba, assistant chief ng PNP-AKG Luzon Field Unit.

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto sina Asnawe Mago at isang menor de edad na nagbantay sa biktima.

Nakatakas naman si Ampaso Mago, ang umano'y nagpakidnap sa biktima.

"Sinasabi ng suspect na meron silang relationship, mag-asawa sila pero walang ganong arrangement. Pareho kasi silang Muslim. Gusto siyang maging asawa. May sexual advancement na ginawa sa kaniya," sabi ni Saliba.

Sasampahan ng kasong kidnapping with serious illegal detention at rape si Ampaso Mago na pinaghahanap pa.
    
Sinampahan din ng reklamo ang mga nahuli.
    

—May ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.