Apoy sumiklab sa paaralan sa Leyte; walang naiulat na nasaktan

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2019 06:25 PM

Naabo ang ilang silid-aralan sa Talisay Elementary School sa Leyte matapos ang sunog madaling araw ng Huwebes, Oktubre 17, 2019. Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Ilang silid-aralan sa Talisay Elementary School sa Barangay Talisay, bayan ng Mayorga, Leyte, ang naabo matapos na sumiklab ang apoy, madaling araw ng Huwebes.

Ayon sa provincial disaster risk reduction and management office ng Leyte, nag-umpisa ang sunog alas-2:50 ng madaling araw at naapula pasado na alas 5 ng umaga.

Hindi naging madali para sa mga bumbero ang pag-apula ng apoy dahil nasa liblib na lugar ang paaralan.

Kasama rin sa mga rumesponde ang mga bumbero ng mga karatig bayan ng Dulag at Javier.

Wala namang nasaktan sa pangyayari habang tinatayang aabot sa higit P3.8-milyon ang danyos sa nasabing sunog.

Nagsagawa na ng inspeksiyon ang Department of Education sa Leyte ukol sa pangyayari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.