2 miyembro umano ng Abu Sayyaf, tiklo sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2019 11:18 PM

Naaresto ng mga pulis ang dalawang pinsan umano ni Abu Sayyaf commander Hatib Hajam Sawadjaan sa isang operasyon sa Barangay Kasanyangan Zamboanga City, Miyerkoles ng madaling araw.

Ayon sa report ng Police Regional Office 9, pinasok ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group 9, kasama ang iba pang mga unit ng pulisya ang isang bahay sa Sitio Asinan, sa bisa ng isang search warrant na inilabas ni Judge Gregorio Dela Peña ng Regional Trial Court Branch 12 sa Zamboanga City.

Dito naaresto ang dalawang pinaghihinalaang bandido na sina Mergal Cabil, 24 taong gulang at si Basir Nor, 34 taong gulang.

Ayon sa pulisya, pinsan ni Sawadjaan ang dalawang naaresto at aktibong mga miyembro ng bandidong grupo na nag-ooperate sa Sulu.

Dalawang .45 caliber pistol ang nakuha kay Cabil at Nor, kabilang ang mga bala at isang granada.

Base sa mga impormasyong nakalap ng mga pulis, naging bahagi ang dalawa sa ilang insidente ng kidnapping ng mga bandido sa Western Mindanao at BASULTA (Basilan, Sulu, Tawi-Tawi) area at maging sa ilang insidente ng pagpatay sa Sulu at Basilan.

Inaalam pa ng mga pulis kung ano ang plano ng dalawang bandido sa Zamboanga cCty at kung gaano na sila katagal naninirahan sa Sitio Asinan.

Sinampahan na sila ng kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 9516 o ang batas na nagbabawal sa illegal na pagdala o pagmamay-ari ng pampasabog, tulad ng granada.

Nakakulong ngayon sa selda ng CIDG 9 ang dalawang pinaghihinalaang bandido.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.