Walang dagdag: Fuel subsidy sa mga pumapasada ng jeep ipinako na

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2018 07:28 PM

Watch more in iWantTFC

Hindi na dadagdagan ang halaga ng mga Pantawid Pasada card dahil sa suspensiyon ng dagdag sa buwis sa langis sa susunod na taon, sabi nitong Miyerkoles ni Budget Secretary Benjamin Diokno.

Balak sana ng gobyerno na itaas sa susunod na taon ang halaga ng ayudang natatanggap ng mga tsuper ng jeepney sa ilalim ng programang Pantawid Pasada. Mula P5,000, gagawin sana itong P20,000.

"If we don't implement the higher, the second phase of the tariff, then the adjustment will also be held," sabi ni Diokno.

Kinumpirma noong Linggo ng Department of Finance (DOF) at ni Socioeconomic Planning secretary Ernesto Pernia na suspendido ang dagdag sa excise tax o buwis sa langis, na nakatakda sana sa susunod na taon.

Alinsunod sa TRAIN Law, magkakaroon sana ng dagdag na P2 sa excise tax sa kada litro ng diesel at gasolina sa Enero 2019. Ibig sabihin, magiging P4.50 dapat ang kabuuang excise tax sa diesel habang P9 naman sa gasolina.

Dahil bumaba naman ang presyo ng krudo, rerepasuhin ng gobyerno ang antas ng excise tax sa petrolyo sa susunod na taon.

PAG-ANGKAT SA 'MAS MURANG' DIESEL, OK SA GOBYERNO

Wala mang dagdag sa ayuda sa mga tsuper ng jeep, inaasahan naman ang pagdating ng diesel na ibebenta nang mas mura sa mga gasolinahan.

Inaprubahan din nitong Miyerkoles ng Philippine National Oil Company-Exploration Corporation (PNOC-EC) Board ang pag-angkat ng diesel mula Singapore.

Pero naghahanap pa raw ang PNOC-EC ng mas mababang alok para maibenta ang diesel nang mas mababa ng P5 sa kasalukuyang pump price.

"May mga ibang supplier din na handa silang magbigay sa amin ng presyo na mas mababa pa kaysa dito sa kasalukuyang nagbigay sa amin ng offer," ani PNOC-EC President Pedro Aquino Jr.

Sa ngayon, naglalaro sa P47 hanggang P50 ang kada litro ng diesel, na kung mababawasan ng P5 ay magiging P42 hanggang P45.

Kapag dumating na ang shipment ng inangkat na diesel ng gobyerno, handa raw ang mga independent oil player na bilhin ito para maibenta nang mas mura sa mga transport group at pribadong motorista.

"Kahit kami nagugulat eh kaya kung may mabibili silang ganoong ka-mura, then, well and good, at gusto rin naming bumili," ani Bong Suntay, pangulo ng Independent Philippine Petroleum Companies Association.

Pero ayon sa PNOC-EC, kailangan munang magkapirmahan na bawas P5 ang presyo ng diesel.

"Kailangan ito maibenta nila doon sa mga konsumer na ang presyo ay bababa ng P5 kaysa doon sa pump price," ani Aquino.

Mula P2 bilyon, P1.3 bilyon na lang ang tantiyang magagastos ng PNOC-EC sa unang shipment dahil sa mas murang alok ng mga suplayer.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.