Suspek sa pagnanakaw sumisid sa water reservoir; nabisto dahil sa galaw ng tubig

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2018 12:11 PM

Watch more in iWantTFC

Arestado ang isang lalaki matapos maaktuhang ninanakaw ang isang motorsiklo na nakaparada sa isang compound sa Cotabato City.

Sa kulungan ang bagsak ng suspek na si Sonny Laureano matapos isumbong ng caretaker ng isang bahay sa compound.

Dahil nahuli, napurnada ang pagtangay ng suspek sa motor ngunit nakapagtago ito kaya hindi agad naaresto. 

"Nagtago pa siya sa water reservoir. Hindi siya makita kasi puno ng tubig, sumisid siya...Pero gumalaw 'yung tubig kasi siguro kinapos ng hinginga kaya siya nakita," kuwento ni Chief Inspector Reynaldo Delantein, hepe ng Cotabato police station 1.

Mariin namang itinanggi ng nahuling lalaki na tinangka niyang nakawin ang motorsiklo.

Napunta lang umano siya sa loob ng compound ng bahay dahil nalasing siya.

"Sobrang lasing ko kaya nakapasok ako doon, pero hindi ako nagnakaw," giit niya

Hindi naman naniwala ang mga awtoridad sa alibi ng suspek. 

"Kung hindi ka aakyat doon hindi ka makakapasok kung lasing. Hindi ka makapunta doon," ani Reynaldo Delantein, hepe ng Police Station 1. 

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Anti-Carnapping Act ang nahuling lalaki.

Iniimbestigahan rin ngayon ng pulisya kung sangkot ang suspek sa iba pang mga insidente ng nakawan ng motor sa lungsod. —Ulat ni Ariane Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.