SAPUL SA CCTV: Babae binagsakan ng bato sa ulo ng 'kaaway'

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2018 07:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kritikal ngayon sa pagamutan ang isang babaeng binagsakan ng malaking bato sa ulo ng kaniyang nakaaway na lalaki sa Tondo, Maynila.

Sa kuha ng isang CCTV, bandang alas-3 ng madaling araw Miyerkoles ay makikitang mahimbing na natutulog ang babae sa isang bahagi ng bangketa sa N. Zamora street.

Biglang lumapit ang isang lalaki at binagsakan ng malaking bato ang ulo ng tulog na biktima na kinilalang si Avelina Navarro. 

Agad rumesponde ang mga miyembro ng Raxabago Tondo police at dinala ang biktima sa ospital.

Natunton ang lalaki dahil nasapul din ng CCTV kung saan ito tumakbo patakas matapos ang insidente. 

Naaresto sa Capulong street pagsapit ng umaga ang lalaki na kinilalang si Ronelito Flogio.

Depensa ni Flogio, sinaktan daw siya ni Navarro at dalawang kasama nito matapos pagbintangan na siya ang nagsumbong sa paggamit umano ng grupo ng ilegal na droga.

Sa tindi umano ng panggugulpi sa kaniya ay nabali ang kaniyang ilong at kanang kamay.

Ganti lang daw niya ito dahil totoo naman daw na gumagamit ng shabu ang biktima, ani Flogio.

Kritikal ngayon sa ospital si Navarro na nagtamo ng fracture sa kaliwang bahagi ng ulo. 

Sinampahan na si Flogio ng kasong serious physical injuries ng pulisya. 

Tumanggi munang magpaunlak ng panayam ang mga kamag-anak ni Navarro at ayaw ring magkomento sa alegasyon ng suspek na gumagamit ito ng shabu.


—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.