Pulis sugatan, magka-live-in tiklo sa Cavite buy-bust

ABS-CBN News

Posted at Oct 17 2018 06:08 AM

CAVITE - Sugatan ang isang pulis matapos makipagbuno sa isang hinihinalang tulak sa buy-bust operation sa General Mariano Alvarez, Cavite.

Nagtamo ng sugat sa ulo si PO2 Jefferson Junio matapos itong tumama sa semento.

Nahuli naman ang 30 anyos na suspek, kasama ang kaniyang 43 anyos na kinakasama.

Ayon sa pulisya, ikinasa ang buy-bust dahil sa umano'y talamak na pagbebenta ng droga ng suspek sa Barangay Jacinto Lumbreras.

Nang aarestuhin na sana ang suspek, nanlaban umano ito.

"Pumapalag talaga. Nagkaroon kami ng pambuno. Nahawakan ko siya, tapos pilit siyang kumakawala sa pagkakahawak ko hanggang sa naitulak niya ako," ani Junio.

Pinagsisihan naman ng suspek ang kaniyang nagawa.

"Nabigla din po ako kaya umabot sa punto na nanlaban din po ako kaunti," aniya.

Aminado ang suspek na dati na siyang sumuko sa Oplan Tokhang pero bumalik pa rin sa paggamit ng droga.

Naimpluwensiyahan din umano niya ang kaniyang kinakasama sa ilegal na gawain.

Nakuha sa kanila ang 5 sachet ng hinihinalang shabu. - ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.